Site icon Doc Willie Ong

Check-Up Para Sa Lahat

By Dr. Willie Ong

Alam kong marami ang ayaw magpa-check up sa doktor. Una, mahal magpa-konsulta sa doktor. Pangalawa, takot tayong malaman ang ating sakit. Nauunawaan ko ito.

Ngunit ang lahat ng tao edad 40 pataas ay magandang magpa-check up. Kung ikaw ay wala pang 40, pero mayroon kayong nararamdaman o may lahi kayo ng sakit sa puso, diabetes o high blood, puwede nang magpa-check up. Gawin ito kada 1 o 2 taon.

  1. Ipasuri sa dugo ang mga sumusunod (Blood test):
    1. Complete blood count o CBC – Makikita rito kung ikaw ay anemic o kulang sa dugo. Makikita rin kung may impeksiyon ka sa katawan.
    1. Fasting blood sugar o FBS – Kung lampas sa 105 mg/dl ang inyong blood sugar, ang ibig sabihin ay may mild diabetes na.
    1. Lipid profile – Kasama sa test na ito ang cholesterol, triglycerides, good cholesterol (HDL) at bad cholesterol (LDL). Kapag mahilig kayo sa matatabang pagkain, puwedeng tumaas ang iyong cholesterol.
    1. Creatinine – Tumataas ang creatinine kapag may sakit na sa bato (kidneys).
    1. Uric Acid – Kapag mataas ang inyong uric acid, puwedeng magkaroon ng sakit na gout.
    1. SGPT – Ang SGPT ay magpapakita kung may diprensya ang inyong atay. Ang sakit na hepatitis at ang pag-inom ng alak ay nakasisira sa ating atay.

Ang halaga ng mga nabanggit na blood test ay mga P800 lamang sa murang laboratoryo. Tandaan din na may 10 hours fasting ang pagkuha ng dugo. Kung 8 ng gabi ang huling kain ninyo, puwedeng magpa-blood test ng 6 ng umaga, bago pa mag-almusal.

Huwag pong mangamba. Kapag maaga nating malalaman ang kondisyon ng iyong katawan, mas magagawan natin ito ng tamang solusyon. Kaya magpa-check up na!

Exit mobile version