By Dr. Willie Ong
Kailangan ng katawan natin ang protina. Pero saan ba tayo makakakuha ng masustansyang protina na hindi masyadong mataba? Kadalasan, mas mababa sa taba ang mga hayop na 2 paa kumpara sa 4 na paa. Tingnan natin.
Hayop na 2 Paa:
Ang manok ay may 2 paa at ligtas ito kainin. Ang turkey ay may 2 paa din at isa ito sa pinaka-healthy na karne. Mababa ito sa taba at puwede sa mga nag-di-diyeta.
Puwede tanggalin ang balat ng manok kung mataas ang inyong kolesterol. Mas healthy ang pecho ng manok (breast). Bawasan ang paglagay ng gravy na sawsawan. Sa paraan ng pagluto, mas mainam ang pag-beyk at pag-ihaw.
Hayop na 4 Paa:
Mas mataas ang baboy at baka sa saturated fat o masamang taba. Ang baboy ay may 4 na paa at sadyang puno ng taba, tulad ng pork chop, sinigang na baboy at balat ng lechon.
Ang baka ay mataas din sa taba. Ang mga t-bone steaks at rib-eye steaks ay mas maraming taba, kumpara sa mga parte na “sirloin” at “round” beef.
Tips: Sa baboy, nakahiwalay ang taba sa laman kaya mabilis itong tanggalin. Sa karneng baka naman, nakasingit ang taba sa gitna ng laman kaya mas mahirap alisin.
Dagdag Payo:
Puwede naman kumain ng karne mula sa hayop na 4 ang paa (baboy, baka), pero gawin lang ito ng 1 o 2 beses kada linggo. Ang manok ay puwedeng kainin ng mas madalas.
Kung may sakit ka sa puso, mataas sa kolesterol o may lahi ng stroke, piliin ang karneng mula sa hayop na may 2 paa kumpara sa 4 paa.
Pero kung gusto ninyo maging malusog, piliin na lang ang hayop na walang paa at may kaliskis. Siyempre, ito ang mga isda, tulad ng sardinas, tilapia at bangus na punong-puno ng omega-3 fatty acids, ang tinatawag na good fats.