By Dr. Willie Ong
Alam ba ninyo na maraming benepisyo ang pagkain ng isda? Ang isda ay mababa sa calories at sa kolesterol. Maraming protina, bitamina at minerals ang isda kumpara sa karneng baboy at baka. Bukod dito, punong-puno pa ng omega-3 fatty acids ang isda, lalo na ang sardinas, mackerel, tilapia at salmon.
Ang pagkain ng isda ay makatutulong sa pag-iwas at pagpapagaling ng maraming sakit tulad ng:
- Asthma o hika – Ang mga batang mahilig sa isda ay mas hindi hinihika.
- Para sa utak at mata – Ang isda ay sagana sa omega-3 fatty acids na mabuti sa ating utak at retina (likod ng mata).
- Kanser – May tulong ang omega-3 fatty acids sa pag-iwas sa maraming kanser tulad ng kanser sa suso, obaryo, prostate, bibig at lalamunan.
- Sakit sa puso – Ayon sa American Heart Association, ang pagkain ng isda ng 3 beses sa isang linggo ay nakababawas sa sakit sa puso, pagbabara ng ugat, abnormal na pagtibok ng puso at mataas na kolesterol. Ang isda ay talagang para sa puso.
- Pagkauliyanin o dementia – Para huwag magkaroon ng Alzheimer’s disease, kumain ng isda. Kung gustong tumalino ang mga bata, kumain din ng isda.
- Pagkalungkot – Ang mga mahilig kumain ng isda ay mas hindi nade-depressed, dahil na din sa napakasustansyang omega-3 fatty acids.
- Diabetes – Mas nako-kontrol ang blood sugar ng mga diabetic kapag isda ang kakainin nila. Ipalit ang masustansyang taba ng isda sa masamang taba ng baboy at baka.
- Arthritis at psoriasis – Nakababawas ng sintomas ng arthritis ang regular na pagkain ng isda.
Ngunit mayroon ding mga dapat ingatan sa pagkain ng isda:
- Mag-ingat sa kontaminasyon ng mercury. May mga isda na nakakain ng dumi at polusyon sa dagat na makasasama sa ating kalusugan. At ang mercury ay masama sa buntis at sanggol. Dahil dito, mas piliin ang mga maliliit na isda na wala pang 12 pulgada (12 inches o 1 foot) ang haba.
- Puwedeng magkaroon ng bad breath kapag malansang isda ang iyong kinain.
- Puwede kang matinik kapag hindi maingat.
- Isang paalala: Mag-ingat sa seafoods, lalo na ang tahong at talaba. Kaunti lang ang kainin at baka malason tayo sa red tide.
Sa pangkalahatan, mas marami pa ring benepisyo sa pagkain ng isda kumpara sa peligro nito. Kumain ng isda para sa ating kalusugan.