By Dr. Willie Ong
May mga payo ako para sa mga OFWs. Dahil malayo sila sa kanilang pamilya, kailangan ay doble ang kanilang pag-iingat laban sa sakit, lalo na sa sakit sa puso.
1. Kumain ng “red foods” para sa puso tulad ng strawberry, pulang mansanas (red apple), pulang pakwan (red watermelon), kamatis at pulang ubas (red grapes). May mga taglay itong kemikal na maganda sa ating puso.
2. Kumain din ng “heart friendly” foods tulad ng oatmeal na pampababa ng kolesterol. Ang taba ng isda, berdeng gulay at dark chocolate ay may benepisyo din sa puso.
3. Mag-ehersisyo ng madalas. Kung mabigat ang iyong trabaho, ang paglalakad at gawaing bahay ay puwedeng sapat na ehersisyo para sa iyo.
4. Matulog ng 7 hanggang 8 oras. Magpahinga ng sapat para lumakas ang ating katawan.
5. Magkaroon ng mga kaibigan. Makipagkuwentuhan sa kapwa Pilipino na makikilala mo.
6. Umiwas sa pag-inom ng alak at puwede ito magdulot ng sakit. Huwag gawing libangan ang alak.
7. Umiwas din sa paninigarilyo at pagpupuyat. Baka lalo lang manghina ang iyong katawan.
8. Magbasa ng paborito mong libro. Piliin mo ang mga masasayang libro o inspirational books.
9. Magkaroon ng mga libangan o hobbies na puwede magpasaya sa inyo.
10. Manood ng comedy shows sa internet, TV o DVD. Ang pagtawa ay nagbibigay ng endorphins o happy hormones sa ating katawan.
11. Magbasa ng mga health tips para makaiwas sa mga sakit.
12. Gamitin ang internet para maging maalam sa mga nangyayari sa Pilipinas.
13. Magpa-check up sa doktor kahit isang beses bawat taon. Inumin at magbaon ng maintenance mong gamot kung kinakailangan.
14. Huwag baliwalain ang mga sintomas na nararamdaman. Magpatingin sa inyong doktor.
15. Magdasal at magtiwala sa Panginoon na aalagaan ka niya at ang iyong pamilya.
At kapag ika’y nakaipon na, puwedeng mag-desisyon na bumalik na sa bansa at dito na lang manirahan. Gusto natin na kayo’y malakas at malusog sa pagbalik sa ating bayan. God bless po.