By Dr. Willie Ong
Ayon sa Philippine National Guidelines on Physical Activity ng DOH, WHO at UP. Kapag lagi tayong nag-e-ehersisyo, mas gaganda ang lagay ng ating katawan.
Heto ang tamang pag-e-ehersisyo:
Para sa bata (5-12 years old):
- Maging aktibo ng 1 oras bawat araw. Maglakad, umakyat ng hagdan, magtrabaho sa bahay at maglinis ng bakuran.
- Puwede ang lahat ng ehersisyo tulad ng pagtakbo, pagtalon, patintero, tumbang preso, agawan, at iba pa.
Para sa teenagers (13-20 years old):
- Maging aktibo ng 1 oras bawat araw. Puwede gawin ang lahat ng ehersisyo kasama na ang mga sports tulad ng basketball, volleyball, swimming, gymnastics at iba pa.
- Sa ganitong edad, puwede na umpisahan ang muscle strengthening at flexibility exercises. Puwede mag-gym, gumamit ng weights at mag-stretching exercises.
Para sa adults (21-45 years old):
- Maging aktibo ng 30 minutos hanggang 1 oras bawat araw. Isama sa iyong aktibidad ang pag-galaw habang nasa opisina o trabaho. Umakyat ng 1 o 2 hagdan.
- Ituloy ang pagpapalakas ng iyong masel. Mag-sports at magtrabaho sa bahay. Puwede rin ang pagsasayaw at jogging.
Para sa older adults (46-59 years old):
- Maging aktibo ng 30 minutos bawat araw. Pero medyo mag-hinay-hinay na sa pag-e-ehersisyo. Bawasan o iwasan ang mga matitinding sports tulad ng basketball, football at pagtakbo. Ituloy pa rin ang pagpapalakas ng iyong masel.
- Kasabay nito, umpisahan na ang pag-alaga sa iyong balanse at coordination. Subukan ang yoga, tai-chi, pag-sayaw at swimming.
Para sa young seniors (60-79 years old):
- Maging aktibo ng 30 minutos bawat araw. Ingatan ang iyong balance. Tumayo at maglakad sa bawat 1 oras na nakaupo. Puwede pa rin ang mga ibang ehersisyo pero mas bawasan na ang tagal at tindi nito. Maglakad imbes na mag-jogging.
- Maging maingat at ligtas sa iyong pag-e-ehersisyo.
Para sa may edad (80 years old pataas):
- Sa mga senior citizens at sa mga may sakit. Itanong muna sa iyong doktor kung anong klaseng ehersisyo ang puwede sa iyo. Sa iyong pag-e-ehersisyo, kapag ika’y nahilo, nasuka, nahapo o sumakit ang dibdib, itigil na ang ehersisyo at magpahinga.
Para sa lahat: uminom ng sapat na tubig bago at habang nag-e-ehersisiyo.