By Dr. Willie Ong

Gusto ba nating mabuhay ng mahaba? Siyempre, oo. Kung ganoon, dapat na tayong gumalaw-galaw, Kapag lagi tayong nag-e-ehersisyo, mas gaganda ang lagay ng ating puso, baga, utak, bituka, buto, masel at buong katawan.

Nagbigay ng guidelines sa ehersisyo ang Department of Health, World Health Organization, at UP-College of Human Kinetics. Heto ang mga payo mula sa Philippine National Guidelines on Physical Activity:

1. Una sa lahat, bago mag-umpisa ng matinding pag-e-ehersisyo, kailangan muna kumonsulta sa isang doktor para malaman ang lagay ng iyong kalusugan.

Sa mga senior citizens at sa mga may sakit, itanong muna sa iyong doktor kung anong klaseng ehersisyo ang nababagay sa iyo.

Mag-umpisa ng dahan-dahan sa pag-e-ehersisyo.

Halimbawa, maglakad muna ng 15 hanggang 30 minutos at unti-unting itaas ang antas nito. Kapag ikaw ay hiningal ay magpahinga muna.

Ang tamang pag-e-ehersisyo ay ginagawa ng 3 o 5 beses sa isang linggo lamang. Bigyan ng sapat na pahinga ang iyong katawan para maghilom at lumakas ito.

Sa iyong pag-e-ehersisyo, kapag ika’y nahilo, nasuka, nahapo o sumakit ang dibdib, itigil ang ehersisyo at magpahinga. Magpatingin sa doktor kung kinakailangan.

Malalaman mo na sobra ang iyong pag-e-ehersisyo kung masakit na ang iyong kalamnan at kasu-kasuan. Kapag matindi na ang iyong hingal ay dapat na rin tumigil.

Uminom ng sapat na tubig bago at habang nag-e-ehersisyo.

Uminom ng isang basong tubig bawat 30 minutos ng pag-e-ehersisyo. Ganito kadaming tubig ang nawawala sa katawan natin kapag tayo’y pinagpapawisan na.

Magsuot ng tamang kasuotan habang nag-e-ehersisyo. Magsuot ng jacket kung maginaw, o mag-shorts naman kung mainit. Siguraduhing malambot at matibay ang iyong sapatos, tulad ng rubber shoes o walking shoes.

Pumili ng ligtas na lugar habang nag-e-ehersisyo. Mag-ingat na hindi madapa o maaksidente habang nagpapapawis.

Pagkatapos mag-ehersisyo ay hayaang makapahinga ang iyong katawan. Magbihis ng damit at uminom ng tubig. May tulong din ang pagkain ng saging at prutas na may taglay ng potassium na kailangan ng katawan. Tandaan, malaki ang tulong sa ating kalusugan ng tamang pag-e-ehersisyo.

Related Posts