By Dr. Willie Ong
Oo, ang katotohanan ay ang paninigarilyo ang pinakamasamang bisyo. Sana ay maitigil mo na ito. Heto ang aking mga dahilan:
Masama sa iyong puso at utak.
Nagdudulot ang sigarilyo ng altapresyon, atake sa puso at istrok. Ang usok ng sigarilyo ay sumisira sa dingding ng ating mga ugat at nagpapakipot nito.
Masama sa baga at puwedeng magka-emphysema.
Dahil sa usok ng sigarilyo, umiitim at naninigas ang iyong baga. Sa katagalan ay hindi na ito makapagdadala ng hangin o oxygen sa iyong katawan, mahihirapan huminga at mangangailangan ng oxygen tank para lang mabuhay.
Masisira ang iyong sex life.
Ang sigarilyo ay puwedeng magpakipot sa ugat ng ari ng lalaki. Kapag napigilan ang pagdaloy ng dugo sa iyong pagkalalaki, lalambot na ito at mahihirapan ka nang makipag-sex.
Masama sa buong katawan.
Ang mga ugat sa utak, baga, bato (kidney) at puso ay madadamay.
Kukulubot ang iyong mukha.
Ang mga naninigarilyo ay mas nagkaka-wrinkles sa mukha kumpara sa taong hindi naninigarilyo. Ang paligid ng iyong bibig ay madali ding kumulubot.
Nakaka-addict ang sigarilyo.
Ang sigarilyo ay may taglay na nikotina na nakawiwili sa gumagamit nito. Ang nikotina ay isang kemikal na may nakakaengganyong epekto sa ating utak. Maihahalintulad nga ang sigarilyo sa mga pinagbabawal na gamot.
Puwede magka-kanser sa baga, bibig, bituka at iba pang organo.
May taong nagkaka-kanser sa edad 50 lang dahil sa masamang bisyong ito. Kapag umabot na sa kanser ay mahirap nang maagapan ito.
Mababawasan ng 6 na taon ang iyong buhay.
Ayon sa isang malaking pag-aaral, mas maagang namamatay ang mga naninigarilyo kumpara sa hindi.
Mababawasan ng 1 taon ang buhay ng mga kasama mo sa bahay. Ang paghinga ng usok ng ibang tao (passive smoking) ay nakasasama sa ating kalugusan. Ayon sa pagsusuri, kapag nanatili ka ng isang oras sa lugar kung saan may naninigarilyo, para ka na ring humithit ng 3 stick ng sigarilyo. Madali ding hikain at sipunin ang mga bata. Kawawa naman sila.
Marami pang masamang maidudulot ang paninigarilyo katulad ng pagkabaho ng hininga, paninilaw ang iyong ngipin, pagkakaroon ng ulcer at iba pa. Kaibigan, kung gusto mong humaba ang iyong buhay, itigil na ang paninigarilyo. Payo ng isang nagmamalasakit lang po.
Benepisyo Sa Pagtigil Ng Paninigarilyo
Ayon sa tanyag na American Lung Association, ito ang mga puwede niyong makamtan kapag itinigil niyo ang paninigarilyo.
20 minuto pagkatapos itigil ang paninigarilyo
Bababa na ang iyong blood pressure at pulso. Nakaka-high blood kasi ang paninigarilyo.
8 oras pagkatapos itigil ang paninigarilyo
Bababa ang lebel ng carbon monoxide sa iyong dugo, at tataas ang oxygen. Ang carbon monoxide ay isang lason na nakukuha sa usok ng sigarilyo. Kapareho ito sa usok ng tambutso ng bus.
24 oras
Mababawasan na ang tsansa mong magkaroon ng atake sa puso.
48 oras
Manunumbalik na ang iyong normal na panlasa at pang-amoy. Mag-uumpisa na ding maghilom ang iyong mga ugat (nerves).
2 linggo hanggang 3 buwan
Gaganda ang sirkulasyon ng dugo sa katawan. Mababawasan ang iyong pag-ubo at pagdahak ng plema. Bibilis na rin ang iyong paglalakad dahil lalakas na ang iyong baga.
1 buwan hanggang 9 na buwan
Tuluyang lalakas na ang iyong baga at giginhawa ang iyong paghinga. Ang mga cilia (maliliit na parang buhok sa baga) ay manunumbalik sa kanilang trabaho na magtanggal ng plema sa baga.
1 taon pagkatapos itigil ang paninigarilyo
Mababawasan ng 50% ang tsansa mong magkaroon ng sakit sa puso kumpara sa isang taong tuluy-tuloy pa ring naninigarilyo.
10 taon
Mababawasan na ang tsansa mong magkaroon ng kanser sa baga, bibig, lalamunan, pantog at bato. Ngunit hindi pa rin mapapantayan ang kalusugan ng isang taong hindi kailanman nanigarilyo.
15 taon
Halos normal na ang iyong kalusugan kumpara sa ibang tao. Sa wakas, pagkalipas ng 15 taon, ang lahat ng mga dumi na dulot ng paninigarilyo ay naalis na sa iyong katawan. Congratulations at hahaba na ang iyong buhay.
Ang mga datos na ito ay base sa matagalang pananaliksik ng mga eksperto at doktor sa Amerika. Umasa ka na babalik ang iyong sigla at kalusugan kapag nagdesisyon ka nang itigil ang paninigarilyo.
Tandaan, ang tsansa mong atakihin sa puso ay mababawasan na agad 1 araw makalipas na itigil ang paninigarilyo. Kaibigan, kung gusto mong humaba pa ang iyong buhay, itigil na ang sigarilyo. Kaya mo iyan!