By Dr. Willie Ong
May mga pagkain bang panlaban sa kanser? Oo, ayon kay Dr. David Servan-Schreiber, pinuno ng Center of Integrative Medicine sa University of Pittsburgh School of Medicine at tanyag na awtor ng librong Anticancer: A New Way of Life.
Ayon sa libro ni Dr. David, heto ang mga pagkaing panlaban sa kanser:
- Green tea – Ang green tea ay may sangkap na catechins, na nagpapabagal sa paglaki ng tumor. Ayon kay Dr. David, painitin ang green tea ng 5 hanggang 8 minuto, at uminom ng 2 basong green tea bawat araw. Piliin ang green tea na non-caffeinated.
- Pagkaing may curry – Ang dilaw na curry ay mabisang panlaban sa pamamaga ng ugat. Sa pagsusuri, nakatutulong ang curry sa mga taong nag-che-chemotherapy para mapabagal ang paglaki ng bukol.
- Luya – Ang luya ay matagal nang ginagamit sa Asia bilang gamot sa pagduduwal, pagsusuka, ubo, sipon sakit ng ulo, sakit ng tiyan at arthritis. Ang matinding amoy nito ay nanggagaling sa sangkap na gingerols, na siyang nagpapagaling sa maysakit. May tulong din ang luya sa pagsugpo sa kanser.
- Cabbages tulad ng bok choy, broccoli, cauliflower at brussels sprouts. Ang mga cabbages (repolyo) ay may sangkap na sulforaphane at indole-3-carbinols, na mabisang panlaban sa kanser. Sa pagluluto ng gulay, i-steam o lutuin lang ito ng bahagya. Huwag pakuluan ang gulay dahil mawawala ang bisa nito laban sa kanser.
- Bawang, sibuyas at leeks – Sa pagsusuri, ang mga sibuyas ay malakas pumigil sa paglago ng cancer cells. Ang bawang ay may sangkap na allyl sulfides, na tumutulong sa pagsugpo ng kanser sa colon, suso, baga at prostate. Para maging epektibo, ang bawang ay kailangang durugin at prituhin ng kaunti. Puwede ring kainin ng hilaw ang bawang, pero mag-ingat lang at nakahahapdi ito ng sikmura.
- Madilaw at mapulang gulay at prutas – Ang mga pagkaing ito ay sagana sa beta-carotene, vitamin A at lycopene, na maaaring makapigil sa kanser. Kumain ng maraming karots, kamote, kalabasa at kamatis (4 K’s). Napakasustansya nito. Sa isang pagsusuri ng breast cancer patients, napatunayan na ang mga pasyenteng malakas kumain nitong mga 4 K’s ay mas humahaba ang buhay kumpara sa mga hindi kumakain nito.
- Tomato sauce at spaghetti sauce – Ayon sa isang pagsusuri, ang pagkain ng 10 kutsarang tomato sauce bawat linggo ay nakatutulong sa pag-iwas sa kanser ng prostata. Ang pulang spaghetti sauce ay may lycopene na masustansya sa katawan. Umiwas lang sa pagkain ng preserved meats tulad ng tocino, hotdog, ham, at iba pa, dahil hindi ito maganda sa mga taong may kanser.
- Taho at tokwa – Ang soy products tulad ng taho at tokwa ay may sangkap na genistein, na maaaring makatulong sa pag-iwas sa breast cancer. Sa isang pagsusuri sa Asia, ang mga babaing malakas kumain ng taho at tokwa ay mas hindi nagkakaroon ng breast cancer. Kaya imbes na uminom ng gatas, puwede kang mag-soya milk. Ang tokwa at miso ay mabisa din. Subukang kumain ng vegetarian food dahil ang vegemeat ay gawa sa masustansyang tokwa.
- Shitake mushroom – Ang Shitake mushroom ay may polysaccharides at lentinian, na nagpapalakas ng ating immune system (katawan). Kapag malakas ang ating immune system, mas hindi tayo magkakasakit. Sa Japan, ang mga pasyenteng nag-che-chemotherapy ay pinapakain ng Shitake mushrooms para bumilis ang kanilang paggaling.
- Matatabang isda – Ang mga oily fish tulad ng tuna, tamban, tilapia (3 T’s), at sardines ay sagana sa omega-3 fatty acids. Makatutulong ito sa pagbabawas ng pamamaga ng ugat. Kapag mas maraming isda ang iyong kakainin (at babawasan ang karneng baboy at baka), mas hindi ka magkakaroon ng kanser.
- Yogurt at mga probiotics tulad ng Yakult – Ang pagkain ng yogurt at pag-inom ng probiotics ay makatutulong sa pagpapadami ng good bacteria (ang lactobacilli) para sa ating tiyan. Gaganda ang ating pagdumi at makaiiwas tayo sa kanser sa tiyan at colon cancer.
- Strawberries, blueberries at cranberries – Ang mga pagkaing ito ay may sangkap na ellagic acid at polyphenols na tumutulong sa pagtanggal ng cancer cells sa katawan.