By Dr. Willie Ong
Heto pa ang listahan ng pagkaing mabuti sa ating puso at ugat:
Matatabang isda tulad ng tuna, tamban, tilapia, sardinas at salmon
Sagana ito sa omega-3 fatty acids na nagpapaluwag ng ugat sa puso at utak.
Oatmeal
May sangkap itong omega-3 fatty acids, magnesium, potassium, vitamin Bs, calcium at fiber. Kapag kumain ng oatmeal tuwing umaga, siguradong malaki ang ibababa ng iyong cholesterol.
Saging
– May potassium, vitamin C, tryptophan at carbohydrates ang saging. Mahalaga ito sa pasyenteng may altapresyon at umiinom ng maintenance na gamot sa puso. May bagong kasabihan na “Two bananas a day will keep the doctor away.”
Kamatis, karrots, kamote at kalabasa
– Ang 4Ks na ito ay mataas sa beta-carotene, lycopene, vitamin C at potassium. Maganda ito sa mata at sa puso.
Monggo beans
– Mataas ito sa protina, vitamin B, magnesium, omega-3 fatty acids, calcium at fiber. Pampalakas ito ng katawan at abot-kaya pa.
Mani, tulad ng almonds at walnuts
– Ang mani ay may good fats, vitamin E, magnesium at fiber. May tulong ito sa puso, ugat at balat. Kumain ng isang dakot lang at hindi isang bowl. Piliin iyung mababa sa asin (low-salt) at walang mantika tulad ng nilagang mani.
Tofu, tokwa at soy milk
Mataas ang mga ito sa protein, niacin, folate, calcium at potassium. Ang protina ng tokwa ay mas masustansya kumpara sa protina ng karneng baboy at baka.
Spinach at broccoli
May sangkap itong lutein, vitamin Bs, magnesium, potassium, calcium at fiber. Kung si Popeye ay lumalakas sa spinach, subukan din natin kumain ng spinach. Mabuti ito sa tiyan, katawan at puso. Nagpapasaya pa ito sa atin.
Bawang (Garlic)
Ang bawang ay may sangkap na allyl sulfides na tumutulong magpababa ng ating kolesterol at blood pressure. Lutuin ng bahagya ang 2 o 3 pirasong bawang. Huwag sunugin dahil mawawalan ito ng bisa. Mag-ingat lang sa pananakit ng sikmura sa sobrang pagkain ng hilaw na bawang.
Dark chocolate
May espesyal na sangkap na resveratrol at flavonoids ang maitim na tsokolate. May posibilidad na ang resveratrol ay puwedeng makapagpabata sa atin. Mas masustansya ang dark chocolate kumpara sa milk chocolate. Kumain ng 1 o 2 piraso lang para hindi tumaba.