By Dr. Willie Ong

Ayon sa American Heart Association, para mapangalagaan natin ang ating puso, kumain ng mapupulang pagkain. Ano ito?

Pulang Ubas

Ang pulang ubas (red grapes) ay may taglay na flavonoids, quercetin, at resveratrol (nasa balat ng pulang ubas). Ayon sa pagsusuri, ang ubas ay nagpapataas ng ating good cholesterol.

Pinipigilan din nito ang pag-buo-buo ng platelets sa dugo para hindi magbara ang ugat. Ayon sa mga eksperto, mas masustansya ang pula o itim na ubas kumpara sa puti o berdeng ubas.

Ang pulang ubas ay napag-alaman ding may panlaban sa virus at bacteria. Huwag lang kumain ng sobrang dami dahil ito’y nakatataba.

Pulang Mansanas

Ang mansanas ay mataas sa quercetins. Ang mga taong kumakain ng “one apple a day” ay mas nakaiiwas sa kanser sa baga at sa Alzheimer’s disease. Ayon ito sa mga pag-aaral.

Ang balat ng mansanas ay may pectin. Ito ay nagpapababa ng lebel ng bad cholesterol (LDL cholesterol) ng 16% kaya mabuti ito sa ating puso.

Red Wine

Ang red wine ay gawa sa ubas na may taglay na resveratrol. Ang resveratrol ay napatunayan sa laboratoryo na nagpapahaba ng buhay ng mga daga at nakapipigil din sa kanser.

Pinapataas ng resveratrol ang good cholesterol at pinapababa ang bad cholesterol. Pero dahan-dahan lang sa pag-inom ng alak. Ang mga lalake ay puwedeng uminom ng 2 maliit na baso. Ang mga babae naman ay puwedeng uminom ng 1 maliit na baso bawat araw.

Strawberries

Ang strawberries ay may taglay na ellagic acid at polyphenols, na nagpro-protekta laban sa kanser. Mataas ang strawberries sa anti-oxidants, vitamin B at C, at potassium na kailangan sa normal na pagtibok ng puso.

Kamatis, tomato sauce at ketsap

Ang kamatis ay mayaman sa anti-oxidants tulad ng lycopene at beta-carotene. Ang lycopene ay isa sa pinakamalakas na anti-oxidant. Napatunayan sa mga pag-aaral na ang pagkain ng kamatis nagpapababa ng tsansang magkaroon ng mga sumusunod na sakit.

Katulad ng sakit sa puso, prostate cancer at kanser sa bituka. Para lumabas ang lycopene sa kamatis, lutuin ang kamatis na may kaunting mantika. Ayon sa mga eksperto, kailangan nating kumain ng 10 kutsara o 150 cc ng tomato sauce bawat linggo.

Pulang Pakwan

Ayon sa U.S. Department of Agriculture, ang pakwan ay may benepisyo sa ating puso at ugat (blood vessels). Napatunayan na pinapataas ng pakwan ang lebel ng arginine sa ating katawan. Ang arginine ay nagiging nitric oxide, isang kemikal na nagpapabuka ng ating ugat. Dahil dito, makatutulong ito sa pag-iwas sa stroke at heart attack.

Ang pulang pakwan ay may taglay na lycopene na nagpapabagal sa ating pag-edad. Dagdag kaalaman: Ang dilaw na pakwan naman ay may lutein na mabuti sa ating mata.

Kaya kung gusto ninyong maging malusog ang inyong puso, kumain ng “red foods for the heart.”

Related Posts