By Doc Willie Ong
Ayon sa isang local survey, 40% ng mga kababaihan ay overweight o sobra sa timbang. Samantala, 15% lang ng kalalakihan ang mataba. Bakit kaya? Ito’y marahil ang mga nanay ay kinakain ang tira ng mga anak.
Paano malalaman kung mataba ka o hindi? Isang simpleng paraan ay ang pagsukat ng tiyan. Ayon sa isang pagsusuri sa Asia, ang dapat na sukat ng tiyan (sa pusod ang sukat at hindi sa baywang) ay 36 inches lamang sa lalaki, at 31 inches sa babae. Kapag lumampas ka dito, medyo hindi na healthy ito. Kailangan na magpapayat dahil baka magdulot ito ng diabetes, arthritis at sakit sa puso.
Heto ang mga tips para pumayat:
- Magbawas ng 100-200 calories bawat araw. Magagawa mo ito kapag iiwas ka sa soft drinks at iced tea. Magtubig ka na lang. Zero calories ang tubig. Puwede mo din bawasan ang iyong panghimagas. Gawin mo ito at siguradong papayat ka.
- Maging magalaw o malikot. Habang ika’y naglalakad, igalaw mo ang iyong mga braso. Habang may ka-text, i-marcha mo ang iyong mga paa. Sa ganitong paraan, makababawas ka ng 200 calories bawat araw.
- Gumamit ng maliit na plato, iyung 9 inches lang ang sukat. Kapag maliit ang plato, mako-kondisyon ang iyong isipan na konti lang ang kakainin. Isa pa, wala nang pa-dukot-dukot pa ng dagdag pagkain. Kung ano ang nasa plato mo, iyun lang ang kakainin.
- Uminom ng 1 basong tubig bago kumain. Dahil nakabubusog din ang tubig, mas konti lang ang makakain mo.
- Piliin ang masasabaw na pagkain. Mas mabubusog ka sa mga matubig na pagkain. Umorder ng arroz caldo, huwag chicken at rice. Kumain ng pakwan, huwag ang mangga.
- Magbawas ng kanin. Kung dati ay 2 tasa ka ng kanin, gawin na lang 1 tasa. Kung 1 cup rice dati, gawin mo na lang half-cup rice. Nakatataba kasi ang kanin. Mas maigi pa ang spaghetti o noodles.
- Kumain ng madalas pero pakonti-konti lang. Huwag kakalimutan ang agahan. Ang sikreto dito ay konti lang ang iyong kakainin. Sa meryenda, puwedeng 1 saging o mansanas lang. Sa tanghalian at hapunan, puwedeng 1 cup rice, gulay at isang ulam lang. Huwag hintayin ang sobrang gutom bago kumain dahil mapapadami ang iyong makakain.
- Masama ang “Crash Diet” o iyung biglang ginugutom ang sarili. Kaya mo itong gawin ng 3 araw, pero pagkatapos ay babawi na ang iyong katawan. Babalik din ang dati mong timbang. Ayon sa pagsusuri, ang crash diet ay nagpapaigsi ng buhay ng 5 years. Ang tamang pagbabawas ng timbang ay ng 1-2 libra (pounds) lamang bawat linggo.
- Kumain ng mga gulay at prutas na maraming fiber tulad ng pechay, kangkong, okra, sitaw, ampalaya, carrots, mansanas, peras at saging. Mabilis makabusog ang mga pagkaing mataas sa fiber. Hindi pa ito nakatataba.
- Dalawa lang ang bawal: Matatamis at matataba. Umiwas sa matatamis na pagkain tulad ng icing ng cake, halo-halo at mga juice na nasa lata. Magbawas din sa karneng baboy at baka na maraming taba. Ito lang talaga ang bawal.
- Umiwas sa junk foods. Huwag mag-stock ng sitsirya sa bahay. Turuan ang mga bata na kumain ng saging o mansanas kapag nagugutom. Mataas sa asin at walang sustansya ang sitsirya.
- Sa fast-foods, subukan ang Kenny Roger’s Roast Chicken at Bodhi Vegetarian Food. Ang roasted chicken ng Kenny Roger’s ay natanggalan na ng mantika. Paborito ko iyan. Healthy din ang vegemeat at gulay sa Bodhi. Nakakabusog at mababa sa calories.
- Puwedeng uminom ng multivitamin kapag nagdi-diyeta. Kung walang pera, kumain ka ng 2 saging bawat araw. Maraming vitamins na iyan.
- Bumili ng timbangan. Mura lang ang timbangan, mga P300 lang. Alamin ang iyong timbang kada 2 araw. Kapag tumataas ang iyong timbang, piliting mag-diyeta agad. Kapag bumababa na ang timbang, ituloy lang ang ginagawa para mapanatiling mababa ang timbang. Kailangan mo ng tiyaga at lakas ng loob para pumayat. Good luck.