By Dr Willie T. Ong
Ang sakit sa ulo ang madalas ireklamo ng pasyente sa kanilang doktor. Ang iba ay natatakot na baka kung ano na ang masamang sanhi nito. Ngunit huwag mangamba, karamihan sa sakit ng ulo ay hindi delikado.
Una, kung ang sakit ng ulo ay sumasabay sa pagbabasa ng diyaryo o pagta-trabaho sa harap ng computer, malamang may diprensya ang iyong mga mata. Magpagawa ng salamin at magpatingin sa optometrist o ophthalmologist.
Pangalawa, kung labas pasok ka sa malamig at mainit na lugar, puwede din sumakit ang ulo. Hindi po ito masama. Naninibago lang ang mga ugat natin sa ulo dahil sa pagbabago ng temperatura.
Pangatlo, kung ang sakit ng ulo ay gumiginhawa sa pagmamasahe ni Misis, malamang ay stress o tensyon lang iyan (tension headache). Naninikip kasi ang mga masel (muscles) ng ulo natin kapag naii-stress. Ang ibig sabihin ay marami kang iniisip, maraming problema at kulang sa budget, kaya sasakit talaga ang ulo.
Ang mga nabanggit ko na sanhi ng sakit ng ulo, mula sa mata, sa pagbago ng panahon at sa stress ay puwede nang hindi ipa-check sa doktor. Uminom ng paracetamol 500 mg tablet kung kinakailangan.
Kailan dapat kumonsulta sa doktor? Kapag matindi ang sakit ng ulo, kung may kasamang lagnat, pagsusuka o panghihina, isangguni na sa doktor. Ipa-check din ang blood pressure. Kapag mataas sa 140/90, posible din na altapresyon ang dahilan ng pagsakit ng ulo.
Ang mga sakit na binabantayan ng doktor ay ang istrok at brain tumor. Ang sintomas nito ay ang panghihina o pamamanhid ng katawan.
Ang migraine headache ay isa ding pangkaraniwang dahilan ng sakit ng ulo. Malalaman mo na migraine iyan dahil kalahati lang ng ulo ang sumasakit. Mefenamic acid o aspirin ang puwedeng inumin para sa migraine.
Ngayong alam mo na ang mga dahilan ng sakit ng ulo, makapagdedesisyon ka na kung kailangan magpacheck sa doktor. Good luck po.