By Dr. Willie Ong

Alam mo ba na ang pagkain ng maraming prutas ay nakatataba? Kahit na masasabi nating masustansya ang prutas at mayaman sa bitamina at fiber, huwag din sosobra sa pagkain nito.

May mga tao na mahilig sa mangga at nakauubos ng isang mangga bawat kainan. Kaya hindi kataka-taka na napakataba nila. Kaya para mapanatili ang iyong diyeta, alamin natin ang tamang pagkain ng prutas:

Tip No. 1: Magbawas sa mga dried fruits.

Kumpara sa sariwang prutas, ang mga pinatuyong prutas ay napakataas sa calories. Ang calories ang enerhiya o sustansya na ibinibigay ng isang pagkain sa ating katawan. Kapag mas mataas ang calories, mas nakatataba ito. (Para lang may paghahambingan, ang isang tasang kanin ay 200 calories.)

 Ang kalahating tasa ng raisins (mula sa tinuyo na grapes) ay may taglay na 219 calories. Mas madami pa sa isang tasang kanin! Ikumpara mo ito sa isang mansanas na may taglay lamang na 70 calories.

Tip No. 2: Magbawas sa mga de-latang prutas.

Ang mga de-latang prutas ay kadalasan nakababad sa matamis na syrup, at ito ang nagpapataba sa iyo. Sa katunayan, mas mabuti ang natural na asukal ng prutas na kung tawagin ay fructose, kaysa sa white sugar o corn syrup na ginagamit sa mga syrup.

Kaya kung mahilig ka sa de-latang prutas (tulad ng fruit cocktail o peaches), kainin mo na lang ang prutas at bawasan ang pag-inom ng syrup nito.

Tip No. 3: Bawasan ang paglagay ng asukal o syrup sa iyong fruit shake.

Isa sa pinakamasustansyang inumin ay ang paghalo ng mansanas at carrots sa isang fruit shake. Panlaban ito sa kanser at puno pa ng bitamina. Ngunit sa paggawa ng fruit shake ay konti lang ang ilagay na asukal o syrup dahil puwede itong magdulot ng sakit na diabetes.

 Sa susunod na artikulo ay tatalakayin ko ang iba pang payo sa tamang pagkain ng prutas.

May Mga Prutas Na Nakatataba

Heto pa ang ibang mga payo sa pagkain ng prutas:

  1. Pumili ng tamang prutas.

Kung kayo ay nagdi-diyeta, piliin ang mga prutas na ito: mansanas, peras, melon, pakwan, saging at strawberries. Puno sa tubig ang melon at pakwan at mababa ito sa calories. Ang isang saging ay may 100 calories pero mabilis naman makabusog.

Ang mga prutas na puwedeng makataba ay ang abokado (322 calories bawat piraso), ubas (106 calories bawat tasa), mangga (107 calories bawat pisngi) at prunes (100 calories bawat 5 piraso). Bilang paghahambing, ang isang tasang kanin ay may 200 calories lamang. Kaya ano ang mas pipiliin mo, isang mangga o isang tasang kanin?

2. Limitahan sa 3 o 4 na fruit servings bawat araw.

Ayon sa eksperto, ang bawat tao ay dapat lamang kumain ng 3 hanggang 4 na parte (serving) ng prutas sa isang araw. Ang isang serving ng prutas ay katumbas nito: 1 pisngi ng mangga, 12 pirasong ubas, 1 saging, 1 mansanas, o kalahating baso ng fruit juice.

            Kaya kung kumain ka ng 2 buong mangga ay naabot mo na ang 4 servings mo sa isang araw. Kapag kumain ka pa ng kahit anumang prutas ay lalampas ka na sa kailangan ng iyong katawan, at puwede ka nang tumaba.

3.Kumain ng maraming gulay.

Kumpara sa gulay, ang mga prutas ay 3 doble ang calories. Kaya mas mabilis makataba ang prutas kaysa sa gulay. Dahil mas mababa ang calories ng gulay, mas puwede kang kumain ng iyong paboritong gulay tulad ng repolyo, kangkong, pechay, cauliflower, broccoli, malunggay at iba pa. Sa isang araw, kailangan natin kumain ng mga 2 tasang gulay.

Sa katunayan, ang prutas at gulay at napakasustansya at kailangan natin sa araw-araw. Ngunit, kumain lamang ng sapat (at hindi labis) para sa iyong kalusugan.

Related Posts