By Dr. Willie Ong
Kamakailan, may balitang nailabas ang Harvard School of Public Health at Brigham and Women’s Hospital. Ayon sa mga researchers ng Harvard School, ang pagkain ng brown rice at wheat bread ay puwedeng makababa sa insidente ng diabetes ng hanggang 36%. Napakalaki nitong benepisyo.
Kumpara sa mga taong mahilig sa white rice, mas hindi tumataas ang lebel ng blood sugar ng mga taong kumakain ng brown rice. Ayon kay Dr. Qi Sun, na gumawa ng pag-aaral sa Harvard, dapat maging mapili ang publiko sa pagkain ng carbohydrates.
Mayroong tinatawag na good carbohydrates at bad carbohydrates. Piliin natin ang mga good carbohydrates tulad ng brown rice, wheat breat, high fiber cereal at mga sari-saring gulay. Dahil sa taglay nitong fiber, mabuti ito sa ating bituka at nakabababa pa ng kolesterol. Umiwas o limitahan ang pagkain ng mga bad carbohydrates tulad ng white rice, asukal at white bread, na madaling makataas ng blood sugar.
Ang pagsusuri ng Harvard School ay isinagawa sa 200,000 katao sa loob ng 22 taon! Ang 50,000 ay kalalakihan at 150,000 ang kababaihan. Dahil malaking pag-aaral ito, kaya kapani-paniwala ang naging resulta.
Sabi pa ni Dr. Qi Sun, posible din na ang mga taong mahilig sa brown rice at wheat bread ay mga health-conscious o maingat na sila sa kanilang kalusugan kaya nakaiiwas sa diabetes. Kung gusto ninyong subukan ang brown rice, dahan-dahanin lang ang pagkain nito para hindi mabigla ang iyong tiyan. Mayroon kasing nagtatae sa biglang paglipat sa brown rice.
Ang wheat bread naman ay mas masustansya kaysa sa white bread. May pagka-kulay kape ang wheat bread ay may kapaitan ang lasa. Pero mas maganda ito para sa ating katawan.