By Dr. Willie Ong
Alam ba ninyo na maraming benepisyo ang suha? Ang pomelo o suha ay kabilang sa mga citrus fruits tulad ng orange at dalandan.
Maraming bitamina ang suha tulad ng vitamin C, vitamin A, vitamin B1, vitamin B2, calcium at iron. Pero ang kagandahan ng suha ay ang pagiging mababa nito sa calories kaya hindi ka tataba. Sa bawat 100 grams ng suha ay may 44 calories lang. Dahil dito, puwede itong kainin ng mga may diabetes at overweight.
Mga Benepisyo ng Suha:
Para sa kanser –
Ang balat ng suha ay may sangkap na bioflavonoid. Ito’y nakatutulong sa pag-iwas sa cancer, lalo na sa breast cancer.
Para sa mataas ang kolesterol
– Tulad ng mansanas, ang suha ay may pectin din. Ang pectin ay nakatutulong sa pagtanggal ng kolesterol sa ating katawan. Dahil dito, mainam ang suha para sa may sakit sa puso at may bara sa ugat.
Para sa immune system
– Ang mataas na vitamin C ng suha ay nakapagpapalakas ng immune system. Ang vitamin C ay binibigay sa mga taong laging sinisipon at madalas magkasugat. Kapag kumain ka ng suha, para ka na rin uminom ng tableta ng vitamin C.
Para hindi tumaba
Ang mga prutas na puwedeng kainin ng mga nagdi-diyeta ay ang suha, mansanas at peras. Hindi ito gaano nakatataba. Ang mga prutas na mabilis makataba at dapat ninyong iwasan ay ang mangga at ubas, dahil grabe ang tamis at dami ng calories ng mga ito.
Para sa may diabetes
Kung ika’y may diabetes, puwede sa iyo ang suha at mansanas. Paalala lang na 3 o 4 na hiwa lang ang kainin. Huwag ubusin ang buong suha.
Kapag bibili ng suha, piliin yung mabigat, mabango at malinis ang balat. Ang mapupulang klase ng suha ay mas masustansya at mas matamis.
Isa pang payo sa pagkain ng suha: Kumain din ng kaunting balot nito (yung mapula at manipis na balat). Nasa balot ng suha ang kakaibang bioflavonoid na lumalaban sa sakit.