By Dr. Willie Ong
May mga pagkain na bagay sa mga taong nag-di-diyeta dahil bukod sa mababa ito sa calories, masustansya pa ito. Heto ang ating listahan:
- Gulay at ensalada. Mataas sa fiber ang gulay at nakabubusog.
- Suha at grapefruit. May taglay na acid na nakababagal ng digestion.
- Mansanas. May pectin na nakabababa ng kolesterol.
- Peras. Mas mayaman sa fiber kumpara sa mansanas.
- Itlog. Magandang almusal at nakabubusog.
- Saging. Masustansya at may tulong sa mga may ulcer at nag-e-ehersisyo.
- Beans. Mayaman sa protina at bitamina.
- Suka. Ang pag-inom ng isang basong tubig na may 2 kutsaritang suka bago kumain ay nakapapayat. Mag-ingat lang kung ika’y hyper-acidic.
- Tofu at tokwa. Mabuti ito sa ating puso at buto.
- Green tea. Nakababawas ng taba sa atay (fatty liver).
- Brown rice at wheat bread. Makaiiwas ka sa diabetes, ayon sa Harvard School of Public Health.
- High-fiber cereals. Mas healthy sa katawan at nakapapayat din.
- Matatabang isda tulad ng tilapia, sardinas, mackerel at salmon.
- Low-fat milk at yogurt. Mas mababa sa taba kumpara sa regular na gatas.
- Oatmeal. Nakabababa ng kolesterol sa katawan.
- Manok at turkey na walang balat. Pinakamababa ito sa taba, kumpara sa karne.
- Laman ng karne paminsan-minsan. Tanggalin ang lahat ng taba sa karneng baboy at baka bago lutuin.
- Tubig. Ang pag-inom ng tubig bago kumain ay nakabubusog. Ang tubig ay walang calories at hindi nakatataba.
Heto naman ang listahan ng 7 pagkaing nakatataba na dapat natin limitahan. Ang mga pagkaing ito ay nailathala na ng maraming organisasyon, tulad ng American Heart Association at American Dietetic Association, na nakatataba.
- Pritong pagkain (fried foods) dahil mataas ito sa taba at mantika.
- Donuts at pastries dahil mataas sa calories at asukal.
- Candy, chocolate at cake. Mataas ito sa asukal at calories.
- Matatamis na juices at soft drinks, dahil mataas ito sa asukal.
- Potato chips at French fries dahil nilubog ito sa mantika at maraming asin.
- Bacon, hot dogs at sausage dahil mataba ito at may halong preservatives.
- Hamburgers dahil mataas sa taba.
Dagdag payo para pumayat: Subukang kumain ng 5 o 6 beses sa isang araw pero pakonti-konti lamang. Ang isang mansanas o saging ay puwedeng meryenda na. Kaya piliin na natin ang mga nasabing healthy foods na nakapapayat pa.