By Dr. Willie Ong

Ang mga tao ng Okinawa sa East China Sea ay may pinakamahabang buhay kumpara sa ibang tao. Maraming taga-Okinawa ang lampas sa 100 taon.

Gusto niyo bang malaman ang sikreto ng mahabang buhay nila?

Sagot: Hindi sila nagpapakabusog. Basta may laman lang ang tiyan nila ay puwede na. Hindi naman sila gutom ngunit hindi din sila busog na busog.

May mga pagsusuri na nagpapakita na ang mga taong payat ay mas humahaba ang buhay kaysa sa mga taong sobra sa timbang. Tumingin kayo sa iyong paligid, ilang matatabang tao ang kilala niyo na lampas na sa edad 70? Kadalasan ay magkakasakit na sila ng diabetes, sakit sa puso at altapresyon. Ang mga payat na tao naman ay kadalasang mas mahaba ang buhay.

Bakit masama ang sobrang pagkain?

Ang pagkain ng labis ay nagdudulot ng masamang epekto dahil nahihirapan ang ating katawan na tunawin ito. Dodoble ang trabaho ng iyong atay, lapay (pancreas) bato at puso dahil sa sobrang pagkabusog. Tataas din bigla ang asukal sa dugo (blood sugar). Kapag labis ang kinain mong karne, marami ding dumi (na kung tawagin ay “free radicals”) ang ilalabas ng mga ganitong pagkain.

Kaya ipinapayo ng eksperto ang pagkain ng “high nutrient at low calorie diet.” Ang ibig sabihin ay mataas sa nutrisyon ang iyong dapat kainin pero mababa naman sa calorie. Para matupad ito, subukang kumain ng mas maraming gulay, isda, prutas, beans at soy products (tofu, taho, tokwa).

Bawasan ang pagkain ng karneng baka at baboy, matatamis na inumin, at matatabang pagkain. Medyo limitahan din ang pagkain ng kanin (mga kalahati o 1 tasang kanin lang bawat kainan), pero damihan ang gulay at prutas. Kung mababawasan ng 10% ang iyong kinakain ay puwede na.

Ang isa pang payo ay ang pagkain ng 5 hanggang 6 na beses sa isang araw, pero pakonti-konti lang. Ang isang saging, mansanas o pan-de-sal ay puwedeng pang-meryenda na. Sa ganitong paraan, dahan-dahan din ang pagpasok ng nutrisyon sa katawan. Mas maginhawa ito sa mga organo ng ating katawan. At marahil ito ang dahilan kaya humahaba ang buhay ng mga taga-Okinawa. Gayahin natin sila at huwag magpakabusog.

Related Posts