Dr. Willie T. Ong

Tayong mga Pilipino, mayroon tayong hilig na mga pagkaing hindi masustansya. Baka isa dito ay paborito mo.

Soft drinks

Ang isang basong soft drinks ay may 7 kutsaritang asukal kaya grabe ang tamis. Nakatataba at masama ito sa may diabetes. Mag-ingat din sa diet soft drinks, dahil may halo itong phosphorous. Ang phosphorous ay nagtatanggal ng calcium sa ating katawan at puwedeng maging dahilan ng osteoporosis. Kaibigan, tubig na lang ang iyong inumin.

French fries

Mamantika ang French fries. Ito ang sinisisi ng maraming eksperto kung bakit dumarami ang taong matataba, may sakit sa puso at mataas ang kolesterol.

Matataba (fatty) na sarsa

Tulad ng gravy, mayonnaise at butter. Mataas iyan sa calories. Mas mainam pa ang suka, calamansi o hot sauce bilang sawsawan.

Alak

May mga pasyente ang nagsasabi na ang red wine ay mabuti sa puso. Kapag tinanong ko kung gaano karami ang iniinom, ang sagot ay, “Doc, minsan, nauubos ko ang isang bote.” Masama ang alak sa ating kalusugan. Masisira ang ating atay, ugat at utak. Nakapagdudulot din ito ng maraming kanser.

Junk food

Nakaka-addict ang mga sitsirya. Ito’y dahil may halo itong vetsin (MSG) at asin. Wala po itong benepisyo sa katawan.

Medyo hilaw na karne (half-cooked meat)

Sari-saring bulate ang nakatago sa mga hilaw na laman, tulad ng kilawin na isda o karneng may dugo pa. Siguraduhin lutong-luto ang iyong kinakain. Hindi sapat ang pagsawsaw sa suka o calamansi para mapatay ang mga bulate at mikrobyo.

Street food

Ayon sa pagsusuri, 60% ng mga Pilipino ay may nakitang bulate sa tiyan. Mahirap masiguro ang kalinisan sa mga fish ball, queck-queck at iba pa. Huwag makipagsapalaran.

Laman loob

Bakit kaya nahiligan ng mga Pinoy ang pagkain ng utak, puso, bato at bituka. Sobrang taas ito sa uric acid at kolesterol. May mga eksperto na nagsasabi na puwedeng magdulot ito ng kanser.

Chicharon at chicharon bulaklak

Sabi ng kaibigan ko, “Balat lang naman ang gusto ko at hindi naman taba.” “Eh saan ba nagtatago ang taba?” ang tanong ko. “Sinawsaw ko naman sa suka,” sagot pa niya. Kaibigan, taba pa rin iyan.

Lechon, Crispy Pata, Pata Tim

Ang paborito ng lahat kainin ay ang lechon, crispy pata at pata tim. Ang taba ng baboy ay nakapagpapabara ng ugat sa puso at utak. Ano ang resulta? Istrok at atake sa puso. Kaibigan, patikim-tikim na lang.

Gulay, isda at prutas lang talaga ang masustansya para sa inyo. Good luck po.

Related Posts