By Dr. Willie Ong
Marami ang nagmamaliit sa mga de-latang sardinas. Ang sabi ng iba ay pagkain iyan ng mahirap at walang sustansya. Pero sa katunayan, ang sardinas ay isa sa pinakamasustansyang pagkain sa buong mundo. Basahin ang mga ebidensya:
- May Omega 3 fatty acids – Ang sardinas ay sagana sa Omega 3 na nagpapataas ng good cholesterol at pinoprotektahan ang ating puso at ugat. Dahil dito, makaiiwas tayo sa atake sa puso at sa istrok.
- May Coenzyme Q10 – Ang sardinas ay may mataas na lebel ng Coenzyme Q10, isang anti-oxidant na nagpapalakas ng katawan.
- May Calcium – Ang calcium mula sa sardinas ay nagpapatigas ng ating buto. Kapag sasabayan ito ng ehersisyo, mas titibay ang buto at makaiiwas sa osteoporosis.
- May Vitamin D – Ang vitamin D ay tumutulong sa pagpasok ng calcium sa ating katawan.
- May Vitamin B12 – Napakahalaga ng Vitamin B12 para sa kalusugan ng ating mga ugat (nerves), utak at spinal cord. Ang vitamin B12 ay nagpapalakas din ng katawan at tumutulong sa paggawa ng dugo.
- May Phosphorus – Ang sardinas ay iilan lamang sa mga pagkaing may phosphorus, na kailangan ng ating buto at ngipin.
- Hindi nakatataba – Dahil mababa sa calories ang sardinas, puwede ito sa mga taong nag-di-diyeta. Mataas ito sa protina at Omega 3 na nagbibigay sa atin ng lakas.
- Mababa sa masamang Mercury – Isang dapat tandaan sa pagkain ng isda ay ang pag-iwas sa mga isda na mataas sa mercury. Ang mga maliliit na isda tulad ng sardinas, dilis, hito, galunggong at bangus ay mababa sa mercury at ligtas kainin. Limitahan lang ang pagkain ng malalaking isda tulad ng lapu-lapu, sea bass at tuna sashimi na may kataasan sa mercury.
Subukan Ang Spaghetti Sardines:
Isang klase ng pagluto ng sardinas ay ang spaghetti sardines. Simple lang ang pagluto nito.
- Painitan ang konting mantika.
- Igisa ang bawang at sibuyas.
- Ilagay ang 2 lata ng dinurog na sardinas na may tomato sauce. Lutuin ng 5 minuto.
- Pagkatapos ay ihalo ang nilutong spaghetti noodles sa sardinas. Masarap at masustansya ito.