By Dr. Willie Ong

Kahit noong unang panahon, ginagamit na ang chicken soup o sabaw ng manok para sa may karamdaman. Ang chicken soup ay may benepisyo sa mga sumusunod na kondisyon: ubo, sipon, trangkaso, hangover at nagpapa-breast feed.

Heto ang sangkap: 1 buong manok, 4 butil ng bawang, 3 sibuyas, 10 carrots, 1 kamote, 6 tangkay ng celery at pamintang buo.

Paraan ng Pagluto: Ilagay ang manok sa isang malaking kaldero. Lagyan ng 14 na basong tubig. Pakuluin ang sabaw. Ihalo ang sibuyas, bawang, celery, kamote at carrots. Pakuluan ng mga 2 oras. Dagdagan ng konting asin at pamintang buo para magkalasa.

Espesyal na Sangkap:

  1. Chicken soup – Ayon sa mga pagsusuri ni Dr. Stephen Rennard ng University of Nebraska, ang chicken soup ay tumutulong sa pag-alis ng pagbabara ng sipon at plema. Pinipigilan nito ang pamamaga ng tonsils at paggawa ng plema (anti-inflammatory). Ang chicken soup ay may sangkap na amino acid o cysteine, na lumalabas sa pagluluto ng sabaw ng manok. Ang cysteine ay nagpapalabnaw ng plema sa baga, at pinapabilis ang ating pag-galing. Ang manok ay mataas din sa protina.
  2. Sweet potato (Kamote) – Ang kamote ay may maraming carotenoids tulad ng beta-carotene. Mataas ang kamote sa fiber, vitamins B6, C at E, folate at potassium. Bukod dito, mababa pa ito sa calories. Ang isang kamote ay may 54 calories lamang. At ayon sa pagsusuri, nakababawas ng tsansa ng lung cancer ang pagkain ng kamote, kahit pa ikaw ay naninigarilyo.
  3. Carrots – Ang carrots ay may taglay na beta-carotene at Vitamin A. Ang vitamin A ay tumutulong lumaban sa impeksyon at mabuti rin sa ating mata. Puwedeng pang-diyeta ang carrots dahil 35 calories lang ang kalahating tasa nito.
  4. Celery – Ang celery ay mataas sa vitamin C, magnesium at iron na kailangan ng ating dugo. Ayon sa ibang eksperto, may tulong ang celery sa mga sakit sa baga tulad ng hika at bronchitis. Puwede din ang celery sa may sakit sa puso.
  5. Black pepper – May taglay itong volatile oils at alkaloids na makatutulong sa pagluwag ng ating sinuses o ang daanan ng sipon. Puwede din ang black pepper sa may ubo at trangkaso. Medyo pagpapawisan ka nga lang kapag kumain ng black pepper.

Related Posts