By Dr. Willie Ong
Lahat ng tao ay nakararanas ng pagkahilo paminsan-minsan. Ang hilo ay sinasabing parang umiikot ang paligid. Ang may edad ay mas nakararanas ng pagkahilo at problema sa balanse sa paglakad. Kailangan sila alalayan para hindi matumba.
Pangkaraniwang dahilan ng pagkahilo:
Kapag tayo’y biglang tumayo sa kama o mula sa isang nakayukong posisyon, puwede tayong mahilo. Ayon sa mga neurologist, hindi ito delikado. Ang tawag dito ay postural hypotension.
Ang panlalabo ng mata ay madalas ding dahilan ng pagkahilo. Kumonsulta sa isang optometrist (nasa tindahan ng salamin sa mata) at magpasukat ng salamin sa mata.
Kapag ika’y gutom na, puwede ka rin mahilo. Magbaon ng tinapay o saging para hindi gutumin.
Ang pagbabago ng panahon ay puwede makahilo, lalo na kung ika’y galing sa mainit na lugar at papasok sa malamig na kuwarto.
May mga taong nahihilo kapag sumasakay sa kotse, eroplano o barko. Motion sickness ang tawag dito.
Ngunit ang pinakamadalas na dahilan ay ang problema sa loob ng tainga (inner ear problem). Ang tawag dito ay vertigo. Nagsisimula itong problema sa pagkakaroon ng sipon o trangkaso, kung saan naiimpeksyon din ang loob ng tainga. Matagal itong gumaling at minsan ay umaabot sa 2-3 linggo ang pagkahilo. Puwede kang uminom ng meclizine tablet (bonamine).
Kailan dapat kumonsulta sa doktor?
May mga dahilan ng pagkahilo na dapat makita ng doktor. Kailangan makuha ng doktor ang iyong blood pressure at pulso. Kapag mataas ang blood pressure sa 140 over 90, puwede itong magdulot ng pagkahilo. Kapag masyadong mababa ang blood pressure (mga 90 over 60 o mas mababa pa), puwede ka rin mahilo.
Kapag hindi regular ang pulso, anemic, may diabetes o goiter, kailangan din magpatingin sa doktor. Ang istrok ay isang pagbabara sa utak na bukod sa pagkahilo ay may kasama ding pamamanhid ng isang bahagi ng katawan o pagkabulol. Bukod dito, may mga gamot din na ang side effect ay pagkahilo. Itanong ito sa iyong doktor.
At kung ikaw ay nawalan na ng malay, kailangan na itong ipasuri sa doktor.
Hilo o Vertigo: Anong Solusyon?
Ang pinakamadalas na dahilan ng hilo ay ang problema sa loob ng tainga (inner ear problem). Ang tawag dito ay vertigo. Mararanasan ito pagkatapos ng sipon o trangkaso. Matagal itong gumaling at minsan ay umaabot sa 2 hanggang 3 linggo ang pagkahilo.
Heto ang ating mga payo:
- Kapag matindi ang pagkahilo, umupo sa isang tabi at huwag munang gumalaw. Kung pakiramdam mo ay aatake ang iyong hilo, huwag maglikot dahil baka lalo ka lang mahilo.
- Kung hindi naman grabe ang iyong pagkahilo, ituloy lang ang iyong normal na gawain. Maglakad at mag-ehersisyo. Gusto nating mapanatili ang lakas ng iyong katawan para hindi kayo mabilis matumba.
- Humawak sa isang matatag na bagay sa tabi mo. Kapag nahihilo ka, nalilito ang iyong utak kung paano mag-balanse. Ang paghawak sa isang silya o mesa ay makapagpapabawas sa iyong hilo.
- Dahan-dahan lang sa pagtayo mula sa iyong kama. Sa umaga, siguraduhing “gising” na ang iyong mga paa at kamay bago maglakad. Baka wala pang lakas ang iyong tuhod at matumba ka. Umupo muna ng isang minuto bago tumayo.
- Kung ang hilo mo ay dahil sa biglang pagtayo, galaw-galawin ang iyong hita at paa. Ito’y para manumbalik ang sirkulasyon ng dugo sa iyong katawan.
- Magsuot ng flat na sapatos. Huwag magsuot ng may takong (high heels) dahil mahihirapan kang mag-balanse. Mainam ang rubber shoes para matatag ang iyong paglalakad.
- Magdala ng flashlight habang naglalakad sa gabi. Kailangan mo ng sapat na ilaw para hindi madapa.
- Huwag maglakad sa ibabaw ng carpet. Kapag makapal ang carpet, mahihirapan ang iyong katawan mag-balanse.
- Maglagay ng mga hawakan sa banyo. Magsapin din ng gomang tapakan sa banyo para hindi ka madulas.
- Bawasan ang alat at asin sa iyong pagkain. Kapag mahilig ka sa maaalat, puwedeng dumami ang tubig sa iyong katawan at pati na rin sa loob ng tainga. Minsan ay nagdudulot din ito ng pagkahilo.
- Uminom ng salabat. Ang luya at mainit na tubig (salabat) ay napakabisa laban sa hilo. Subukan ito.
- Puwede din uminom ng gamot tulad ng meclizine 25 mg tablets (bonamine). Ayon sa pagsusuri, kasing bisa ito ng salabat.
- Huwag uminom ng alak. Kung nahihilo ka na ay huwag nang magpakalasing pa. Doble disgrasya iyan.
- Uminom ng 8 hanggang 10 basong tubig. Kapag kulang ka sa tubig, puwedeng bumaba ang iyong blood pressure.
- Matulog ng 7-8 oras sa gabi. Ang sunod-sunod na pagpupuyat ay nagdudulot ng pagkahilo.
- Magbawas ng stress. Ang taong ninenerbiyos ay madali ding makaramdam ng pagkahilo. Magrelax at huminga ng malalim at dahan-dahan ng 7 beses.
- Subukang pisil-pisilin ang balat sa pagitan ng mata. Isa itong acupressure point na puwedeng makaginhawa sa iyo.
- Suriin ang iyong gamot. May mga gamot na puwedeng maging sanhi ng pagkahilo, tulad ng aspirin at iba pa. Kumonsulta sa iyong doktor para mapayuhan ka. Good luck po.