By Dr. Willie Ong
Maraming tao ang may dry cough na lampas na sa 3 linggo. Heto ang mga pangkaraniwang pinagmumulan ng tuyong ubo:
- Paninigarilyo – Ang sigarilyo pa rin ang pinakamadalas na dahilan ng matagalang pag-uubo. Huminto sa paninigarilyo at umiwas sa lugar na mausok.
- Asthma cough-variant – May isang klaseng hika na pag-uubo lang ang sintomas. Walang huni (or wheezing) ang maririnig sa baga. Ang kondisyong ito ay napapalala ng malamig na hangin, polusyon, usok, pabango at mga pollen (seeds) ng mga halaman. Para magamot ito, mga tableta at inhaler ang ibinibigay ng doktor. Umiwas sa mga bagay na nagpapalala ng hika.
- Post-nasal drip mula sa allergies – Ito ang pagtulo ng sipon mula sa ilong patungo sa likod ng lalamunan. Dahil dito, kumakati at naiirita ang lalamunan at kailangan mo itong i-ubo. Maraming dahilan ang post-nasal drip tulad ng allergic rhinitis, chronic sinusitis at nasal polyp. Nagbibigay ang mga doktor ng mga tableta para sa allergy, mga nasal sprays at minsan ay antibiotics din.
- Gastroesophageal reflux disease (GERD) – Ang sakit na ito ay dulot ng pag-akyat ng asido ng tiyan (stomach acid) mula sa tiyan pataas sa esophagus (ang daanan ng pagkain mula sa lalamunan patungo sa tiyan). Dahil sa asidong ito, naiirita ang esophagus at napapaubo ang pasyente. May gamot na ibinibigay para mabawasan ang asido sa tiyan. Bawal din ang biglang paghiga pagkatapos kumain. Tumayo muna at maglakad. Makatutulong din kung hindi tayo magpapakabusog at luwagan din ang sinturon para hindi maipit ang tiyan.
- Side effects ng gamot – May mga gamot sa altapresyon tulad ng Ace-inhibitors na puwedeng magdulot ng pag-uubo sa 10% ng pasyente. Ito ay ang mga gamot na enalapril, captopril at lisinopril. Itanong muna sa doktor kung kailangang palitan ang iyong gamot.
- Pulmonya o bronchitis – Siyempre, puwede din magdulot ng pag-uubo ang mga impeksyon sa baga. Antibiotics ang gamot dito.
- Post-infectious cough – Minsan, pagkatapos gumaling mula sa trangkaso o viral infection, may naiiwan pa ring pag-uubo. Ito’y dahil naiirita o “nasugat” ang baga sa dating impeksyon. Binibigyan sila ng cough suppressants.
Bukod sa mga nabanggit na sakit, mayroon ding ibang mga posibilidad tulad ng tuberculosis, kanser sa baga at iba pang mga sakit ng baga. Para makasiguro, kumonsulta sa iyong doktor.
Ubo ng Ubo: 17 Solusyon
Ang ubo ay puwedeng dahil sa trangkaso (flu), sipon, allergy, sigarilyo, pulmonya (pneumonia), namamagang tonsils at tuberculosis.
Sa mga sakit na ito, ang pulmonya at tonsillitis ay nangangailangan inuman ng antibiotics. Ang tuberculosis naman ay ginagamot sa loob ng 6 na buwan.
Subalit para sa pangkaraniwang sanhi ng ubo, heto ang dapat gawin:
- Uminom ng 8 hanggang 10 basong tubig. Pinapalabnaw ng tubig ang madidikit na plema.
- Uminom ng mainit na salabat o sabaw ng manok. Ang pag-inom ng mainit na sabaw ay nagpapaluwag ng mga tubo natin sa baga.
- Itigil ang paninigarilyo. Umiwas sa mga bisyo.
- Uminom ng Vitamin C para lumakas ang ating immune system.
- Uminom ng tsa-a na may honey at lemon. Mabisa ang honey sa pagkalma ng naiiritang lalamunan. Ang lemon ay may vitamin C.
- Umiwas sa nakaka-allergy na bagay. Maraming ubo ay allergy ang dahilan. Puwedeng magka-allergy sa usok, sa balahibo ng pusa at aso, sa matatapang na pabango, at sa pollen mula sa halaman.
- Gamot para sa ubong may plema: Puwedeng uminom ng mga gamot tulad ng carbocisteine, ambroxol at lagundi para lumabnaw ang plema. Ngunit huwag ganoong umasa sa mga ito. Tubig pa rin ang mabisa.
- Gamot para sa tuyong ubo (dry cough): Para sa nakakaistorbong ubo, puwedeng uminom ng butamirate citrate o dextromethorphan syrup. Kung allergy naman ang dahilan ng ubo, puwede ang Diphenhydramine.
- Ilabas ang sipon. Kung ika’y may sipon, suminga ng madalas para hindi tumulo ang sipon sa iyong lalamunan na puwedeng magdulot ng pag-ubo.
- Umiwas sa mausok na lugar. Puwedeng sumakay sa mga air-con na bus at jeep. Huwag din gaanong maglakad sa lansangan. Umiwas sa mga taong naninigarilyo.
- Lumanghap ng mainit at basang (moist) hangin. Pinapaluwag nito ang plema sa ating baga. Puwede ka rin manatili sa banyo kung saan dumadaloy ang mainit na shower o gripo. Ang usok nito ay nagpapalabnaw ng iyong plema. Isa pang paraan ay ang paglanghap ng mainit na usok ng tubig sa ibabaw ng palanggana o kaldero.
- Tingnan kung may iniinom kang gamot tulad ng Ace-inhibitor para sa altapresyon dahil puwede itong magdulot ng ubo. Ang Ace-inhibitor ay mga gamot na nagtatapos sa salitang “-pril,” tulad ng imidapril, enalapril, at iba pa. Itanong sa iyong doktor.
- Gumamit ng 2 unan sa gabi. Kung may allergy ka o sipon, makatutulong ang paghiga na medyo mataas ang iyong ulo.
- Gamutin ang pangangasim na sikmura. Puwede ding magdulot ng pag-ubo ang asido na galing sa sikmura.
- Magpabakuna laban sa flu at pulmonya kung ika’y lampas sa edad 60.
- Umiwas sa sakit. Kung ika’y may mga sakit na, tulad ng altapresyon at diabetes, umiwas sa nakapapagod na gawain at pagpunta sa mausok na lugar.
- Magpahinga at matulog ng mahaba. Ito ang pinakamabisang payo sa lahat para maka-recover ang iyong katawan. Good luck po.